May 31, 2012

ang sarap maging bata

hindi ako nakakatiyak kung kailan ba ang eksaktong Children's Day dito sa Pilipinas. ang alam ko, iba-iba ang petsa nito depende na rin sa bawat bansa. hemingways, may kinalaman kasi sa mga bata o pagiging bata ang entry ko ngayon kaya naman nabanggit ko lang. hehehe

ooooooooooo O ooooooooooo

noong linggo ng hapon habang umuulan, tahimik kong pinanunuod ang mga batang sarap na sarap sa pagtatampisaw sa lakas ng ulan.
naisip ko bigla.. ang sarap maging bata.
sa umaga, gigising kang nakahain na ang almusal. papasok sa eskwela.
pagdating ng hapon nasa kalye ka na at naglalaro ng tumbang preso, patintero, piko o kaya naman 10-20 (yes, naglaro ako neto), mata-mataya at kung anu-ano pang wagas makahingal na mga laro.
aantayin mo nalang kung kailan ka tatawagin para kumain ng hapunan.
halos sa araw-araw na ginawa ng Diyos ganun yata ang takbo ng buhay nung bata ako.
aral..  laro..  aral..  laro..
lahat ng kailangan ko nakahanda na. preparado na.
mula sa damit na isusuot hanggang sa pag-upo mo sa lamesa wala ka ng iintindihin kundi ang kumain nalang.
ni hindi mo na iisipin kung sino ang tokang maghuhugas ng pinggan.

ngunit sa kabila ng lahat ng kawalang muwang at pakialam na ito, anu nga ba ang tunay na esensya ng pagiging bata? simple lang ang sagot para sa akin.
ito ay ang pagiging malaya.
malaya dahil wala kang anumang iniisip na isyu at suliranin sa buhay.
na ang ilan lamang sa mga bagay na nagpapahirap lang sa iyo ay ang pagdedesisyon kung anung damit o sapatos ang susuotin at ipapabibili sa magulang mo.
o hindi naman kaya ay ang pagiisip ng paraan kung paano ka makakatakas sa tanghaling tapat upang makapaglaro kasama ng mga kaibigan mo dahil ayaw nyung matulog sa tanghali.
malaya dahil wala kang muwang. at ang walang muwang ay inosente.
at ang inosente at ligtas sa anumang pananagutan at mabibigat na responsibilidad.
malaya. sa pinakamababaw ngunit pinakamakatotohanag kahulugan..

sabihin pa, kaakibat ng lahat ng ito ay ang mga KARAPATANG PAMBATA (Children's Rights)  na pumoprotekta sa iyong kamusmusan. mga karapatan na nagbibigay sa iyo ng higit na kalayaan upang matamasa at maranasan ang mga bagay na minsan mo lamang makakamit dahil lahat naman ng tao ay dumarating sa pagtanda.
sa lahat ng mga karapatan na ito, dalawa dito ang pinakamahalaga para sa akin at hinding hindi dapat mawala o ipagkait. ito ay ang:


karapatan makapag-aral
(access to free schooling)
– sana dumating ang panahon ang lahat ng mga bata dito sa Pilipinas ay nakatitiyak na makakapagtapos ng kolehiyo. hindi lang basta makapagaral kundi makapag tapos. mataas ang literacy rating natin kumpara sa ibang karating bansa. subalit, iilan lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kahirapan ng buhay at syempre, hindi sapat ang badyet ng pamahalaan upang lubos na tustusan ang pangangailangan ng bawat bata sa mga pampublikong paaralan.



karapatang makapag laro
(right to play and recreation)
– sa tingin ko hindi ko na ito kailangan pang ipaliwanag. anu pang esensya ng pagiging musmos kung ipinagkait sa iyo ang karapatan na ito? ang maglaro sa gitna ng ulan, magpawis sa sikat ng araw, umakyat sa mga puno, at iba pa. hindi ako nakatitiyak kung lahat ng mga sinabi ko ay nangyayari pa kahit sa probinsya.
sana lang, sana talaga, may mga bata pa din na nagagawa ang lahat ng ito. sa panahon ngayon na cybergames at social networks na ang bagong sports ng mga kabataan, ilan pa kaya sa kanila ang naranasan ang totoong mga laro ng isang musmos?

isang beses lang tayo dadaan sa pagkabata. maaaring manatiling mga bata ang ating mga puso (wag naman sana pati isip) subalit, iba pa rin ang kasiyahan at kalayaan na minsan natin lahat naranasan nung tayo ay mga walang muwang pa at walang pakialam sa lahat ng bagay...


ikaw? namiss mo rin ba ang maging bata?



[christiansantamaria]


May 31, 2012 hospital

0 comments:

Post a Comment